Patungong silangan

Sa pagpatak ng dilim, ang puso ay parang si haring araw na naglaho sa paningin ng mundo; parang sinag na nawalan ng dahilan upang magpakita muli sa bukang-liwayway ngunit sa katotohanan, ang puso tulad ng araw, namamahinga lamang. Subalit ang takipsilim ay mabigat para sa puso. Sa pagdating ng kadiliman, ang puso ay nagsusumo para sa liwanag, para sa kung ano man ang makakapagtahan sa lumbay ng paghihintay para sumikat. Kahit sa oras ng pahinga at pag-iisa, ang puso ay nangangailangan ng kalinga at ng malasakit. Sa bawat gabing nakapapanglaw, ang puso tulad ng araw, ay nakakaranas ng hindi maipaliwanag na kalungkutan. Ngunit sa dilim rin naipamamalas ang tibay at tatag ng pusong napaaaligiran man ng kadiliman, ay walang ibang hangad kung hindi muling lumakbay patungong silangan.